Ang Pakpak na Iyong Binali

May mali. May tama. Hindi maaaring gatungan ng mali ang mali. At mas lalong hindi rin maaaring gatungan ng mali ang isang napakamalaking pagkakamali. Kumbaga sa simple math equation, when a number with negative sign is added to another number with negative sign it will result with a negative number. Hindi naman kasi maitatama ng maling pag-iisip ang isa pang maling pag-iisip.

 

Minsan darating ka sa isang punto kung saan mari-realize mo na naiipit ka sa isang sitwasyong hindi mo alam kung tama o mali. Kasi ang alam mo, nasa tama ka. Alam mong wala namang mali sa ginagawa mo. Ano bang mali sa paghinto upang makarinig ka ng ibang kwento? Gusto mong kumawala pero iniipit ang iyong mga pakpak ng mga bagay na humihila sa iyo pababa.

 

Nagkamali ka. Oo, nagkakamali tayo. Nagkakamali ako. Pero hindi ko inisip na may mali sa ginawa kong pagtulong sa isang osong iniwan ang kalupaan at tuluyang lumangoy sa kailaliman ng karagatan (referring to an article, ‘Ang Uwak at Ang Oso’).

 

Ah. Hindi ko alam na sa bawat kilos mo, mayroong mga ibong sisipol at aawit. Kung ang lahat ng mga bagay na ating napapansin at naiisip ay binibigyan natin ng kahulugan, marahil siguro ay makakabuo na tayo ng isang diksyunaryong may katawagang “The Last Judgement”.

 

Minsan o madalas, ang ‘akala’ masakit. Hindi dahil nag ‘assume’ ka o nag ‘expect’ kang iba ang pananaw niya sa iba. O iba ang tingin mo sa kanya. Sadyang pinakitaan ka niya ng rason para baliin iyong ‘akala’ na iniisip mo.

 

Akala ko kasi wala ka namang pakialam sa iniisip ng iba. Ganoon ang naging paninindigan ko. Bakit mo iisipin ang mga bulong na alam mong mali. Alam mo sa sarili mo kung ano ang tama at mali.

 

Nasaktan ka. Lumayo ka. Pinakinggan ang bawat pagmamaktol mo na sumusugat dyan sa puso mo. Yung bang nagtiwala ka ng buo pero babaliin lang rin pala ng mga taong nilapitan mo. Narinig mo ang mga masasakit nilang kwento tungkol sa iyo. At aaminin kong hinatulan rin kita kahit wala kang kaso.

 

Naniwala ang kalangitan sa iyo. Pinakinggan ka at nabago ang perspektibo nito. At oo, hindi isang mali ang makinig sa kwentong dapat pakinggan. Tinimbang ang buwan at ang araw. Pikit-matang inaalala na huwag kang masaktan. Pitik-bulag na iniisip ang bawat salitang binibitawan sa iyo ay pinaparatang. Tinitimbang maigi kung ano o sino ang may mali o tama o pareho lang ba kayong nagkamali.

 

Hindi. Ang ‘akala’ ay isang pagkakamali. Hindi ka rin naiba doon sa mga ibong nagsisipag-awit ng mga lirikong binulag ng mga maling pag-iisip. Ginawa mo rin kung ano ang ginawa nila. Inulit mo lang kung anong ginawa nila sa iyo. Ngayong binigyan ka ng pagkakataon para mabago ang isang pagkakamali ay gagatungan mo ng isa panng pagkakamali. Ikaw ang osong nalunod sa isang palaisdaan. Humuni ka ng gaya ng mga ibon upang hindi ka mahuli ng mangingisda. Ginaya mo sila kahit alam mong sa sarili mong isa kang oso.

 

Ah. Nakuha mo na ba ng gusto mo, munting oso? Nahirapan ka bang sisirin ang kailaliman ng dagat kaya umahon kang muli? Sabik ka na ba muling makita ang kaulapan? Sabik ka na bang makakita ng mga bagay sa kalupaan? Nakarating ka ba? Nakabalik ka na ba?

 

Hindi. Nagkamali nga ba ako? Lulubog na ang barko at nag-iisa lang ako sa kabilang dulo. Hindi tayo naghahakot ng mga bituin at nagbibilangan kung ilan ang naibigay sa isa’t isa. Hindi. Walang gustong magbilangan ng kung gaano na kalaki ang naitulong sa isa’t isa. Hindi tayo nagsususkatan ng mga bagay na nabibilang. Hindi tayo nagpaparti-partihan ng mga trabaho at nagtuturuan kung sino ang may gawa.

 

Ah. Kung minsan nga naman ang tao pagka nakuha na ang gusto ay nakakalimot na. Tila ba hindi mo na iisipin kung sino ang nagbigay sa iyo ng hagdan para makarating ka sa lugar na iyong kinatutungtungan.

 

Naisip mo ba kung gaano kahirap bumuo ng tulay na gawa sa sakit at paghihirap? Naisip ba natin na sa bawat hakbang natin, isang matibay na hagdan ang ating tinutungtungan para mahawakan mo ang kalangitan?

 

Hindi. Ang pagtatampo’y sa una, makalawa ay mawawala. Maglaon ay makakalimot. Masasanay.

 

Hindi ako nagtatampo. Hindi ako magtatampo. Walang rason upang ako ay magtampo.

 

Inis ang nararamdaman ko. Inis na hindi sa iyo kung hindi sa sarili ko. Minsan kasi, imbis na sisihin natin ang tunay na may sala, ang sarili natin ang ating ituturo sa pagkakamali na hindi naman dapat. Maiinis ka nalang dahil bakit kailangan magpaagos tayo na imbis tumayo ng may tindig at pagkatuto.

 

Mas masakit pa ang ginawa mo kaysa sa taong binigyang pansin ko ng dalawang taon. Ah. Ganoon pala ang pakiramdam ng maitaboy nang dahil lang sa mga baluktot na pag-iisip. 

 

Akala ko iyong ipinaramdam ko roon sa taong dalawang taong kong pinahalagahan, iyong pagpapahalaga at pagiintindi ng sobra sa kabila ng hindi pagkakaunawaan, akala ko ay maibibgay ko sa iyo ng buong buo.

 

‘Akala’ ko lang pala. Nagkamali lang pala ako. Binali mo ang tiwalang pinagtibay ko sa maikling panahon. Binigo mo ang isang ibong ni hindi umawit o sumipol ng liriko ng paghahatol.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Na ngayo’y gusto kong sundan ka, lumipad kasama mo kahit na sa kabila ng mga ibong umaawit at humahatol ay hindi ko na magagawa dahil ikaw mismo ang bumali sa mga pakpak kong wagas ang paglipad.

4 thoughts on “Ang Pakpak na Iyong Binali

  1. Minsan ang pagkakamali ay hindi natin maisisisi sa sarili ngunit hindi mo rin masisisi ang mga taong nakapaligid sayo. Bagkus Isipin rin natin kung may mga ginawa ka bang magiging rason upang baliin nya ang pakpak mo. Hindi sa lahat ng oras ay dapat mong paniwalaan at pahalagahan. Subukan mo rin umintindi kung bakit o ano yung dahilan ng lahat. Huwag kumilos ng mabilis, pag-aralang mabuti ang bawat galaw ng iyong paligid. Magpatawad, hindi magpatawad, huli na ang lahat, tiyak na ang oso na iyong niligtas ay iyo ring kinalimutang intindihin at pinangunahan ng padaskol-daskol na kilos. Hindi sila ang bumali ng pagkakaibigan nyo. hindi rin ikaw. pero kayo.

    Liked by 1 person

    • Marahil ay tama ka nga. Mahirap talaga kung ang inuuna ang emosyon bago ang tamang pagiisip. Ngunit hindi natin mapapagkailang nagkasakitan ang dalawa. Hindi natin mapapagkailang may tiwalang nasira. Pero salamat! Nalinawan ako sa iyong mga salita!

      Like

    • Iyong osong gusto kong iligtas sa pagkalunod ay mas lalo ko pang nilunod. Pikit mata, pitik bulag kong sinara ang pagiisip ko. Nagkamali ako. Pero hindi ko pa kayang harapin ang osong siyang tumaboy sa akin.

      Like

Leave a comment