article, Personal, Uncategorized

Hanggang Dito Na Lang

Akala ko ba wala na? Pero bakit tila bumabalik ka sa inakalang walang hanggan?

Sa bawat pagtawag mo sa pangalan ko, hindi ko alam kung ano ang ihaharap ko sa iyo. Masaya ba? Malungkot? Galit? Maiinis? O simple at walang emosyon na ako? sa pagtawag mo sa pangalan ko, halo-halo ang nararamdaman ko na kahit ayaw ko ng beans o kaong ay siyang nakakain ko. Hindi ko na mabilang kung ilang beses na akong nabilaukan ng dahil sa iyo. Para kang tinik na hindi ko matanggal sa aking lalamunan.

Sa bawat sandaling tayong dalawa lang ang nakakaalam ng mga bagay bagay ay hindi ko maintindihan ang mga nangyayari sa paligid. May mga bagay na kahit alien ang iyong sinasabi ay pumapasok na lamang ito sa aking isipan. Pilit ko mang ilabas sa aking kabilang tenga ay hindi ko na magawa. Para kang tutuli na hindi ko magawang maalis at tuluyan ng bumara.

Sa bawat paglapit mo ay dadampi ang iyong balat sa aking balat. Para tayong two of the same poles na hindi pwedeng magdikit at walang paraan para magdikit. Bigla kang mawawala. Hahanapin naman kita. Bigla kang magpapakita, alam ko na agad na ikaw iyon. Para kang pabango na panandalian lang kakapit sa damit at kalaunan ay mawawala.

Sa bawat pagkita ko sa iyo ng hindi ko inaasahan ay kakabog ang aking dibdib. Bibilis ang pagtibok at kalauna’y kakalma ang sarili. Hindi ko malaman kung paano ang aking composure sa twing tayo ay nagkakasama. Titignan kita sa mata ngunit babalikwas rin sa iba. Nahihiya, tumitiklop sa una at pagkaraan ay makakakita ng dahilan para masulyapan ka pa ng matagalan. Para kang isang painting na may iba’t ibang technique o style. Sa mata ko’y isa kang painting na mamahalin, malalim ang kahulugan at hindi madaling maintindihan.

Saan na naman kaya ako dadalhin ng aking mga paa? Sa bawat pagsambit na ayoko na ay dumadating ka.

Nakaraa’y naibaon ko na. Wala ng bara ang aking tenga. Wala ng kaong at beans ang halo-halo ko sa tuwina. Wala na rin ang tinik na siyang nagpapahirap sa aking pagkain sa umaga. Nabili na rin ang painting na napakaganda. Pero ngayon ay bumabalik ka na naman.

Hanggang dito na lang. Hindi na ako uulit pa. Ayoko na ng halo-halong may beans at kaong. Gusto ko ng luminis ang aking tenga. Ayoko ng may nakabara sa aking lalamunan. Ayoko ng tumingin pa sa painting na mamahalin at kay ganda. Sa bawat pag sabi ko nito ay kakatok ka sa aking pintuang may awang at hindi nakasara ng tuluyan. Nandiyan ka na naman. Tatawagin mo ang aking pangalan. Bibigyan mo ako ngiti mong kay ganda. Paparinggan mo na naman ako ng musikang hindi ko na nais marinig pa. Ipapakita mo na naman ang sa akin ang sarili mong hindi ko matanggihan.

Sa bawat pagsabi ko ng ayoko na ay darating ka. Nananadya ka ba? Hindi ko na kasi maintindihan itong halo-halong nararamdaman ko para sa iyo. Gusto na kitang iwasan pero makikita ko ang sarili ko sa tabi mo. Gusto na kitang alisin sa isip ko pero maya maya lang ay kausap na kita. Gustong gusto ko ng ipagsigawang mahal kita at ayaw ko na sa iyo pero nandito pa rin ako sa dulo ng walang hanggan. Ayoko ng abutin ang mga kamay mo pero ikaw itong inilalahad ang mga palad mo. Tila ay ayaw ako lubayan ng mga bakas na nagsisilbing ikaw.

Tinanggap ko na sa aking sarili na hindi tayo pwede sa isa’t isa. Ikaw ang gusto ko pero may gusto ka sa kanya. Ang hirap ng sitwasyong kinalalagyan nating dalawa. Magulo. Mahirap i-comprehend. Ayaw mo sa mga bagay na magulo. Ayaw mo sa mga bagay na hatid ay kalungkutan at masamang ala-ala. Sa madaling salita, ayaw mo sa mga ‘negative vibes’. Bakit ba kasi tayo pinagtagpo pero hindi naman tayo itinadhana sa isa’t isa?

Hanggang dito na lang ba talaga? Gusto ko ng matapos ito at kailangan kong umalis na. Iisa-isahin ko ang mga ala-ala mo sa akin ay nakatanim. Uunti-untiin ko ang bawat sandaling naging masaya ako sa iyong piling ng sagayon ay hindi ako masaktan ng labis labis. Itatago ko na ang mga bawat bakas ng ‘ikaw’. Mga nakaw na sandali at mga bagay na hindi ko maintindihan kung bakit nariyan ka pa.

Ayoko ng gumawa pa ng pagkukwentuhan nating dalawa na sa huli ay biglaang matatapos rin pala.

Ayoko ng sumagot sa mga pagtawag mo sa akin. Ayoko ng sagutin ang bawat tanong at pagtawag mo sa akin.

Ayoko ng maghintay sa bawat sandaling ikaw na lang ang naiiwan at sa huli ay ako rin pala ang maiiwan.

Ayoko ng sumalo sa mga binibitawan mong oras at salita kung wala ka rin namang ilalaan para sa akin.

Ayoko ng tumabi sa mga malalamig mong  pagtingin na kahit ang kakarampot na espasyo sa pagitan nating dalawa ay nabibingi sa tahimik nating dalawa.

Ayoko ng makasama ka na sa bawat bagay na gusto kong gawin ay nariyan ka.

Ayoko ng marinig ang boses mong naging himig ko sa umaga, tanghali at gabi kung sa pagtulog ko ay luluha lang rin pala ako.

Isa kang tinik sa aking lalamunan. Isa kang kaong at beans sa aking halo-halo. Isa kang tutuli. Isa kang pabangong hindi nagtatagal.

Pero ikaw ang painting na mamahalin, malalim ang kahulugan at hindi madaling maintindihan.

Advertisements