Personal, poetry, Uncategorized

Paglipas

Lumipas na ang mga araw ng pagiisip

Sa kung paano ko ipapabatid sa iyo kung gaano ako naging masaya

Sa mga araw at gabi na kasama kita

Lumipas na ang mga araw ng pagiisip

Sa kung paano ko ihahatid sa iyo ang mga piraso ng mga alaala

Na siyang bumuo sa akin sa twina

Naging inspirasyon, lakas at pagtitika

Lumipas na ang mga araw ng pagiisip

At ngayon ay magtatapos na sa apat na taong pagugol

Sa pangarap na patuloy na inaabot

Bukas makalawa mawawala na rin

At bubuo ng bagong yugto kung saan ay wala ka

Dahil lilipas rin ang mga araw ng pagiisip

At maglaon ay hindi na ikaw ang tatakbo sa isipang ito.

article, Uncategorized

Papel at Pluma

Gusto ko talagang magsulat.

Alam mo iyong tipong pag nagsusulat ka ay dinadala ka sa ibang mundong may iba’t ibang dyanra. Maraming pagdadalhan iyong imahinasyon mo. Sa pagsusulat, marami akong pintong nabubuksan. Sa pagsusulat, libo-libong emosyon iyong aking nararamdaman. Tuwing nagsusulat ako ng mga kwento o tula, pakiramdaman ko ay nagiging ibang tao ako. Nararamdaman kong buhay ang mga karakter na sinusulat ko. Para bang makikita mo agad iyon sa ekspresyon sa mukha ko. Tatawa ako bigla kasi masaya na, minsan ay maiinis kasi nasa parte na ng pagmamaldita ang karakter, at minsan papatak na lang ang luha sa aking mata sa tuwing drama na ang usapan.

Nagsimula akong magsulat noong bata pa lang ako. Ibig kong sabihin ay magsulat ng mga kwento. Naimpluwensyahan kasi ako ng aking kaibigan na nagsusulat rin at mahilig magdrawing. Mula sa aking imahinasyon ay unti-unting lumabas ang mga sulat sa isang papel. Hanggang ito’y naging isang talata, nakabuo ng isang yugto at nakatapos ng mangilan-ngilan.

Iba. Kakaiba ang pakiramdam ng nagsusulat ka ng mga kwento. Pakiramdam mo ay sa iyo lang ang mundo.