poetry, Uncategorized

Nakakapagod rin pala.

Nakakapagod rin pala.

Ang nakakabinging katahimikan.

Sa tuwing nagkakaroon ng hindi pagkakaunawaan.

Hindi magiimikan.

Hindi magkatinginan.

Ipinapasa ang dapat sa iyo’y siyang sinasabi na.

Nabubuhol ang mga salitang hindi maibulong.

Yumuyuko; tumitingin sa ibang direksyon.

Nakakapagod rin pala.

Iyong maghintay sa hindi naman darating na.

Sa palaging pagtanong kung ‘nasaan ka na?’

O kung bakit ‘wala ka pa?’

At sa puntong susuko ka na;

Kakaantay sa mga pangakong walang natupad ni isa.

Sa pagantay masambit ang salitang ‘sorry’.

At sa mga bagay na hindi na mangyayari pa.

Nakakapagod rin pala.

Ang magmahal ng paulit-ulit.

Na hanggang ngayon ay siyang ipinipilit.

Umiibig ng tahimik.

Umiibig ng mata’y nakapikit.

Umiibig ng walang hinihinging kapalit.

Umiibig ng hindi sinasadya.

Ngunit sa huli’y masasaktan ng pag-aakala.

Nakakapagod rin pala.

Ang mga bagay na sa imahinasyon lamang masaya.

Na akala’y makakapagantay pa.

Sa huli ay masasambit na mahal kita.

Ngunit hindi kayang ikaw ay makasama.

Pipikit at pagkaraan ng ilang segundo’y pipikit muli.

Ititikom ang bibig.

Ititikom nalang hanggang huli.

Advertisements
poetry, Uncategorized

Titignan Kita

Titignan kita.

At aking huhulihin ang iyong mga mata.

Na para bang mapapako ang tingin,

At unti-unting mahuhulog sa akin.

 

Titignan kita.

Ngunit ikaw’y iiwas din.

Na parang ayaw mapukaw ang tingin,

At hindi malaman ang gagawin.

 

Titignan kita.

Ngingiti na bahagya lang ang makikita.

Titingala at mapapamulsa.

Saka naman’y magpapahuli sa akin, sinta.

poetry, Uncategorized

Patingin-tingin ni DAB

Patingin-tingin

Pangiti-ngiti, pangisi-ngisi

Wala kang maririnig

Tikom ang bibig, tinutulak ng dibdib

Kislap ng mata, sa iyo lang nakatinign.

 

Mata’y inililibot, isip ay umiikot

Nagkakalapit, nagkakalayo

May mga salitang pilit ipinapasok

Kwentuhang wag sana matapos.

 

Lingon sa gilid, kapit sa dibdib

Pikit matang nararamdaman ang sakit

Tikom ang bibig, walang masabi

Inggit na sa mata’y namumutawi.

 

Patingin-tingin, palingon-lingon

Tahimik lang na nanonood

Huwag sanang magalit, huwag sanang itikom

Hayaang pagbigyang kumatok sa iyong puso.

poetry, Uncategorized

Pabalik-balik ni DAB

Babalik ka na naman,

Sa lugar na pamilyar sa iyong isipan.

Heto ka na naman,

Iibig muli sa taong mali.

Ibang-iba sa dati mong kinagawian.

Ngunit parehong-pareho ng kinagagalawan.

Magtatago ka muli,

Sa mga wasak na barong-barong.

Isisiksik ang sarili,

At papaniwalaing walang nangyari.

Magsisinungaling sa mga tao sa paligid,

Aamuin ang mga hayop at maiipit.

Nagkamali ka na naman,

Sa huli ay hindi mapigilan.

Titibok ang puso sa taong hindi lubos kilala,

At magtatanong kung sino nga ba talaga.

Magkukuyom sa kumot na bitin sa paa,

Iisiping tatabihan rin sa tuwina.

Babalik ka na naman,

Sa lugar na hindi alam ang paroroonan.

Magtatago sa mga kasinungalingan,

Dinadasal na sana’y hindi nila malaman.

Na iibig ka muli sa mali,

At hindi kayang ipaglaban sa huli.