Sa Apat na Taon at Higit pa

001.jpg

Sa Apat na Taon at Higit pa

Hindi maipaliwanag.

Hindi ko alam kung saan ako magsisimula sa pagtatapos na ito. Sa bawat pagtama ng aking mga daliri sa mga pindutang ito ay marami ang umiikot sa aking isipan na hindi ko alam kung paano ko sisimulan. Masaya? Malungkot? Hindi ko maipaliwanag ngunit ibang sarap na tila nakahinga ka rin sa wakas.

 

Hindi sapat.

Kulang ang tatlo o limang talata upang maipaliwanag ko ang apat na taon o mahabang panahong ginugol ko upang makamit at masuot ko ang togang ito. Hindi ko mawari kung sapat na ba o kulang pa rin ang apat na taon upang masabi ko sa sarili ko na, ‘okay na.’ O tama nga ba na nandito ako at nakuha ang diplomang ninanais ko. Sapat man o hindi, patuloy pa rin ako sa paghahanap ng kasagutan.

 

Ang pagguhit ng pangarap.

Nangarap ako. Lahat naman siguro ay nangangarap. Lahat ay nagumpisa sa mumunting pangarap. Gumuhit ako ng kapalaran sa hangin. Nilipad iyon sa kung saan. Dinala ako sa lugar na bago sa akin. Dinala ako ng aking pangarap sa hindi ko alam kung paano ako tatayo o mangungusap. Pinalibutan ako ng iba’t ibang klase ng tao. May tahimik, magulo, maingay, nakakalito, madaming alam at nagmumukhang may alam. Hindi ko alam kung saan ako lalapit. Hindi ko alam kung paano ako tatapik sa mga balikat na iba’t iba ang binabangga. Hindi ko alam kung paano ko matatapos ang pagguhit sa aking pangarap.

 

Sa pagtuklas ng kabuuan.

Takot ako noon. Simula ng umalis ang maituturing kong bestfriend na si Ferlyn, sa paglipat ng section ni Lynn, at sa pagiging pariwala ni Erika ay hindi ko makita kung na saan na ba ako. Hindi ko alam kung saan ako lulugar. Natakot ako. Naging mapagisa. Nagkaroon ng pangamba. Nahirapang magtiwala at maging masaya. Noon, sa tuwing nakikita ko silang magkakasama, nahihirapan akong makibagay. Pakiramdam ko ay hindi ako ‘belong’. Masiyahin si Trish. Magaling si Embee. Nakaka-‘intimidate’ si Patrick. Ang ‘flowy’ ni Jas. Kakaiba si Clang. Ma-‘authoritive’ si Yanix. Hindi ko alam kung paano ko ilalapit ang sarili ko sa mga katulad nilang kabaliktaran ko. Nagkaroon ako ng ‘insecurities’. Nagkaroon ako ng ‘anxiety’. Hindi ko magawang buksan ang sarili ko sa kanila ng buo. Para sa akin, masaya na ko na kasama ko sila pero hindi pa rin buo. Hindi pa rin hulmado ang pundasyon upang ako ay magiging matatag. Hirap pa rin akong magtiwala.

Hindi ko malilimutan ang bawat pagtatapos ng semestre na hindi ko sila magawang makausap. Sa tuwing magtatapos ang sem ay nagkakaroon ang problema sa aking sarili at wala akong matakbuhan. Hindi ko sila matakbuhan. Hindi ko sila makilala. Hindi ko sila magawang makausap. Sa isip ko ay hindi naman nila ako maiintindihan. Bakit? Kasi sila yung masiyahing ayaw ng problema. Sila iyong ayaw sa mga drama. Sila iyong ayaw ng makialam sa mga ganitong bagay. Natakot ako. Lagi kong nakikita ang sarili kong magisa. Lagi kong nakikita ang sarili ko na naglalakad sa gitna ng kalsada na walang kasama.

Nitong huli ko lang naramdaman ang pagtibay ng isang pundasyon. Sabi nga ng iba ay huli na. Hindi ko akalain sa dalawang araw ko lang pala mapapagtantong hindi masaya pag hindi sila kasama. Hindi ko malilimutan iyong gabing nakapag’open’ ako hindi tungkol sa mga usap-usapan sa kapaligiran o ng kung ano pa man kung hindi ay nakapag’open’ ako ng bagay tungkol sa aking sarili. Doon ko naramdaman na, ‘ah, hindi ko ito malilimutan’. Doon ko natuklasan ang mga totoong kaibigan. Doon ko naramdaman ang kabuuan ng isang kaibigan. Nadagdagan ng isang Alice na walang pakialam sa sasabihin ng iba, isang Danica na matatag at si Oly na laging tulog sa klase.

 

Sa pagdapa, pagbangon at paghilom sa kabiguan.

Ilang beses na nga ba akong nadapa? Ilang beses ng nasugat kakalakad sa mabatong daan?

Hindi ko na mabilang kung ilang kabiguan naigapang ko para ako’y makabangon. Akala ng karamihan ay madali lang ang kursong ito. Akala ng karamihan pagdo’drawing’ lamang ang lahat ng ito. Hindi. Mali sila.

Sa bawat pagtatapos ng semestre at ay hidi ko alam kung paano ko sisimulan ang pagbubukas ng bagong kabanata. Umiiyak ako sa tuwing hindi ako nakakakuha ng ‘scholarship’. Nasasaktan ako ng sobra. Nasasaktan ako. Kulang pa ba? Hindi ba sapat? Saan ako nagkamali? Bakit hindi ako umabot sa ‘quota’? Ginalingan ko naman sa lahat, e. Nagaaral naman akong mabuti. Tinatry ko yung best ko para magkaroon ng best design and layout. Tinatry kong makapagrender ng isang magandang illustration.

Saan ba ako magaling? Bakit hindi ko magawang makapag’compete’? Mag igagaling ba ako? May oras ba para maipagmalaki ang sarili ko? Ano bang mailalagay ko sa resume na ito?

Ang sakit. Masakit sa tuwing hindi ko maabot yung gusto ko. Oo, ambisyosa ako. Ang gusto ko lang naman ay makapaglakad sa entablado ng may medalyang suot. Ang gusto ko lang naman makatanggap ng parangal sa lahat ng pagod at hirap ko sa apat na taon sa kolehiyo. Gusto ko lang namang umakyat ng entablado kasama ang mga kaibgan ko. Gusto ko lang namang makapagtapos ng may medalya para maipagmalaki ko sa mga magulang at kapatid ko na, ‘ma, pa, hindi lang drawing ang kaya ko, magaling rin ako sa iba, heto ang patunay, o.’

Pero hindi ko nagawa. Hindi ko nakamit. Nadapa ako ng paulit-ulit. At ang pinakamasakit ay iyong ibagsak ka sa isang subject na alam mong kaya mo namang ipasa. Ilang beses ako umiyak noon. Paulit-ulit kong tinatanong ang sarili ko kung bakit? Bakit ako bumagsak? Bakit ako nabigo? Bakit iyon pa? Iyon yung pinaka masakit na kabiguan na hinding hindi ko malilimutan. Iyon ang dahilan kung bakit hindi na ko makakaakyat sa entablado ng may medalya. Iyon ang sumira sa pangarap ko. Iyon ang dahilan ng pagbagsak ko na kahit anong gawin ko, kahit anong galing ko sa pagdisenyo, pagguhit o pagsagot sa science o filipino ay wala na! Wala ng silbi pa. Masakit. Masakit sa tuwing binibiro ako tungkol sa algebra at sa pagulit nito. Masakit na kahit biro lang ay tagos sa puso. Minsan sa isang gabi sa tuwing naiisip ko ang kabiguang ito ay bigla nalang akong iiyak. Wala eh, ‘berna, palpak ka e.’ Hindi ko alam kung ilang beses ko sinisisi ang sarili ko. Parang kulang pa nga.

Iyong textile design rin. Isa sa kabiguan ko. Kung bakit kailangan kong mawalan ng kaibigan sa pagiging tapat ko? Kung bakit ako ang nagmumukhang mali sa gitna ng nagsisigawang panghuhusga? Mali ba ako? Tama ba ako? Kulang pa ba? Kasalanan ko ba? Hindi ba ako naging sapat? Saan ako nagkamali? Hindi ba ako effective na team leader? Hindi ba ako effective na member? Sobra na ba ako?

Punong puno ako ng ‘insecurities’. Punong puno ako ng inggit sa mga kaibigan ko, lalo na kay Patrick, Embee at Jasper at sa iba pa. Naiinggit ako kay Jasper kasi, bakit siya? Effortless pero tignan mo, ang galing galing niya. Tignan mo si Embee, nagagawa niya yung mga imposible. Ang galing niya magdesign. Effortless. Tignan mo si Patrick, inborn. Magaling talaga.

Iyong yung madalas tumakbo sa isipan ko lalo na noong ‘thesis days’. Ang saya ko na noong maganda ang resulta ng unang ‘deliberation’ pero hindi ko kinaya iyong pangalawa. Muli, gumuho na naman ang pangarap ko. Tinibag na naman nila ang ilang ulit kong tinayong pundasyon para makatayo. Sobrang sakit. Sobra-sobra na hindi ko malaman kung bakit ang malas ko sa ganitong bagay. Bakit sila ang saya-saya nila, ako lang iyong lugmok sa kalungkutan. Ako lang yung nasaktan ng sobra. Ako lang ata iyong napahiya.

Lord, minsan ko siyang tinanong. kulang pa ba? May isasakit pa ba? May ibibigo pa ba ako?  Ang sakit pag iyong ‘expectations’ sa iyo ng professor mo ay hindi mo na ‘meet’. Ang sakit mabasagan ng itlog. Ang sakit mapahiya. Ang sakit mapagalitan. Ang sakit mabigo. Ang sakit hindi makakuha ng scholarship. Ang sakit bumagsak. Ang sakit mangarap ng pangarap na hindi na maabot. Ang sakit makita iyong mga kaibigan mong masaya dahil nakamit nila ang gusto nila. Ang sakit maging masaya para sa iba sa ganitong sitwasyon. Ang sakit na hindi mo magawa iyong gusto mo. Ang sakit sakit noong tinanong ako ni Ma’am Fe kung bakit hindi ako mag’rum’ for latin honor. Ang sakit sa pakiramdam na sinara ko iyong pintuan ko sa kahit sinong kumatok dito.

Punong puno ako ng sakit at hindi ko alam kung paano bumangon. Kung paano maging masaya at pumalakpak para sa iba. Hindi ko alam kung naghilom na ba ang sakit. Pero ang alam ko ay bumabangon na muli ako. Itong insekyuridad na naramdaman ko sa apat na taon, itong kabiguan ko sa apat na taon, hindi ko alam kung paano ko ibabaon pero alam kong may bagong libro akong isusulat sa pagtatapos na ito.

 

Sa apat na taon at higit pang pagiisa.

Ano nga bang pakiramdam ng walang amang gumagabay sa iyo? Mahirap. Hindi madali. Pero naiintindihan ko kung bakit kailangang umalis ni papa. Naiintindihan ko kung bakit kailangan parin ni mama magtrabaho. Naiintindihan ko kung bakit lagi akong nagiisa. Naiintindihan ko kung bakit walang dumadalo sa mga parent’s meeting o mga invitation sa mga magulang sa mga events sa school. Naiintindihan ko kung bakit sa huli walang makakapag’cheer’ sa iyo.

Isang gabi, hindi ko na kinaya. Bagama’t mahal ginawa kong makatawag kay papa. Iyon yung oras na hindi ko na kaya. Iyong oras na ang bigat na sa loob. Tinwagan kita. Doon ko naramdaman yung malaking pagkukulang ng walang ama o ina sa tabi. Doon ko naramdaman yung kawalan ng isang magulang na walang kaalam-alam sa nangyayari sa iyo. Doon ko naramdaman yung pagiisa. Sa hinaba-haba ng panahon akala ko ay matatag ako, na kaya ko ang lahat pero hindi, bumigay ako.

 

Walang kapantay na pasasalamat.

Maraming salamat sa aking magulang. Sa aking papa na humigit kumulang kalahati ng edad niya ang ginugol sa ibang bansa upang buhayin kami ng pamilya niya. Ramdam ko ang lungkot at pagiisa na malayo sa pamilya. Ikaw papa ang ‘hero’ ng buhay ko. Ikaw ang bumuhay sa amin. Na kahit sakit ako sa ulo ay nagawa mo parin akong patawarin.

Maraming salamat sa aking ina na hindi nagalinlangang dalhan ako ng makakain, damit, at iba pa sa eskwelahan at sa dorm sa ano mang oras. Salamat at nasisingit mo ako sa iyong oras na kahit sandali ay hindi mo ako magawang kalimutan.

Sa aking kapatid na naging balakit sa aking pangarap, pinagtibay mo ang pundasyon ng pangarap. Ika’y naging mabuti at masama sa akin.

Sa aking mga propesor na siyang nagpatibay ng husto sa aking pundasyon upang ako ay makapaglakad at makatakbo sa indutriyang ito, kayo ang naging gabay sa pagtuklas kung sino at ano nga ba talaga ang kaya kong gawin. Binigyan niyo ako ng lakas. Binigyan niyo ako ng ‘assurance’ na magagawa ko ang mga bagay. Hinding hindi ko malilimutan ang pag-asang ibinigay niyo sa akin noong ‘logo deliberation’ at buong buo ko itong isinasapuso. Kayo ang humubog sa kakayahan ko. Kayo’y naging kaibigan, kakwentuhan, nagbigay ‘advice’ at nangaral.

Sa dorm na aking tinirhan ng isang taon at kalahati. Naging tahanan ka sa aking pagiisa. Nasksihan mo ang aking kabaliwan, katatawanan at kalungkutan.

Sa PANAFAO na kahit isang taon lang ay naranasan kong makipagusap sa iba’t ibang klase ng tao sa labas ng aking eskwelahan.

 

Ang nagbuklod.

Ang Buklod ang pangawala kong pamilya. Hinding hindi ko malilimutan kung paano niyo ako pinagkatiwalaan sa posisyon ng ikalawang pangulo. Sobra akong nagpasalamat dahil isa kayo sa humubog sa akin. Isa kayo sa nagpatibay ng pundasyong ito. Dito ko nakita ang sarili na kaya ko palang humawak ng isang proyekto. Ang magmalasakit sa iba at alalahanin ang iba. Dito ko nakita ang sarili ko. Dito ako naging responsable at mapagmahal.

Maraming salamat dahil tinupad mo ang mumunti kong pangarap na mabuo ang isang unibersidad na may iba’t ibang organisasyon. Maraming salamat at pinagkatiwala mo sa akin si Ricky Lee. Ng dahil dito ay nakita ko ang iba’t ibang uri ng tao. Naabot ko ang iba’t ibang katayuan at kaibahan. Dito ko nakita at natapik ang mga tahimik. Napatawa at nabuklod ang lahat. Tunay nga at marapat lang na Buklod ang iyong ngalan.

 

Sa inyo.

Maraming salamat sa inyo, Embee, Trish, at Clang. Nariyan kayo noong oras na binalot ako ng takot. Nariyan kayo noong umiiyak ako sa kabiguan. Nariyan kayo upang tulungan ang isa’t isa sa mga ‘plates’ at ‘assignments’ na hindi natin maintindihan. Nariyan kayo sa kasiyahan at kalungkutan. Nariyan kayo tumatawa, nagpapasaya at nagagalit sa tuwing may mali ang isa’t isa.

Pasensya na kung daratnan ako ng sumpong at darating ang oras na hindi ko kayo magawang kausapin. Hindi ko kayo magawang harapin. Hindi ko kayo magawang tignan. Hindi ko kayo magawang lapitan. Nahihiya ako. Nahihiya ako sa lahat ng aksyong ginawa ko. Nahihiya ako kasi kahit hanggang ngayon nakakaramdam ako insekyuridad. Minsa’y takot ako magbukas ng pinto. Minsa’y nahihiya ako. Minsa’y inaatay lang kayo na kayo mismo ang pumasok at manggulo. Pero pakatandaan na mahal na mahal ko kayo. Kahit na ganoon pa man ang naramadaman ko sa inyo. Kahit na minsa’y naiinis ako sa inyo o nagagalit dahil sa mga maling desisyon ay wag niyong kalimutan na may maatakbuhan ang isa’t isa kasi magkakaibigan tayo.

Kay Embee na naging dormmate ko. Maraming salamat dahil hindi ka bumitaw na pangaralan ako. Hindi mo ako sinukuan at tinulungan mo ako. Kahit na isa ka sa mga insecurities ko, maraming salamat dahil kahit ganon, nagsilbi kang inspirasyon para pagtibayin ang pundasyon ng pangarap ko. Nandyan ka noong tumawa, umiyak, at nasaktan ako.

Kay Trish na makulit. Maraming salamat dahil napakaingay mo at dahil doon napasaya mo ako. Bagaman lagi mo akong iniinis ay kulang naman pag wala ka.

Kay Clang naging sandigan ko. Ikaw ang una kong pinagbuksan ng pintuan. Ikaw ang unang nakaalam ng aking takot at pagkailang. Ikaw ang una kong nasaklolohan noong ako’y takot at walang malapitan. Wag mong kalimutan na nandito lang ako, nandito lang kami para sa iyo. Maraming salamat.

 

Sa iyo.

Maraming salamat iyo, Patrick. Hinding hindi ko makakalimutan iyong oras na wala akong malapitan dahil gusto kong magpakatatag ay ikaw ang lumapit at nangusap na ‘wag kang mahiyang humingi ng tulong sa amin’. Nakalimutan mo man pero para sakin ay ipinakita mo kung paano ka ka-‘welcoming’ na maging kaibigan. Maraming salamat sa lahat ng ideya at marami akong natutunan sa iyo.

Hindi ko alam kung bakit nagsimula tayo sa hindi pagkakaintindihan, nagkaroon ng ilangan pero sa huli ay isa kang kaibigan na kakaiba at maraming kwentong hatid. Minsan nakakainis pero nakakatuwa pa rin dahil hindi mo nakakalimutang ibangon at tulungan ang mga kaibigan mo sa tuwing nahihirapan. At oo, isa ako sa natulungan mo ng sobra, sa thesis, sa subjects, sa designing. Bagaman ikaw ang pinaka’intimidating’ na taong nakilala ko, katulad ni Embee, ay naging inpirasyon ka sa aking pagtayo.

 

Sa aking sarili.

Salamat dahil naging matatag ka. Salamat dahil hindi ka sumuko. Sa lahat ng nagpabigo sa iyo ay umiyak ka ng labis. Binuhos mo ang lahat ng nararamdaman mo. Hindi ka nagalinlangan. Alam kong punong puno ka ng takot, ‘insecurities’, inggit’ at hiya pero naging gabay ito, naging pundasyon ito para mas lalo ka pang maging matatag sa araw araw. Sa mga taong pilit kang ibinababa, sa mga taong hinuhusgahan ka, at sa mga bagay na naging balakid sa iyong pangarap, naipakita mo kung sino at kung hanggang saan ang iyong kaya.

Walang sino man ang nakakaalam ng kung ano ang talaga mong nararamdaman kundi ikaw lang. Nasa ‘stage’ ka pa rin ng paghahanap sa sarili. Sa pagtuklas kung ano ang iyong nais. Nasa edad ng katamaran at walang magawa sa buhay pero tandaan mo na balang araw, makakamit mo rin ang iyong nais. Makakamit mo rin lahat ng gusto mong mangyari sa buhay. Maniwala ka na kahit ilang kabiguan pa iyan, gaano man kabigat ay may patutunguhan iyan.

Sabi nga ng mama ni Nica, ‘Seek Lord first, and He will guide you’. Naniniwala ako ron. Buong puso kong pinanghahawakan iyon at alam ko, hindi man sa ako nag’bloom’ sa apat na taon, alam kong may nagawa ako para sa sarili ko.

Alam kong sa apat na taon ay nahubog ang sarili ko. Nabuo ko ang pundasyon para makatayo, makapalakad at makatakbo sa mundong iba sa loob ng apat na sulok. Nakahanap ako ng mga kaibigang maasahan. May Buklod na nagpayaman ng isip ang kalooban. May pamilyang maasahan.

Sabi nga nila, ‘one day, hurt will just become memories’. At oo, magiging alaala nalang sila.

Cheers sa direktor ng buhay ko. Salamat sa iyo, Lord.

 

Paglipas

Lumipas na ang mga araw ng pagiisip

Sa kung paano ko ipapabatid sa iyo kung gaano ako naging masaya

Sa mga araw at gabi na kasama kita

Lumipas na ang mga araw ng pagiisip

Sa kung paano ko ihahatid sa iyo ang mga piraso ng mga alaala

Na siyang bumuo sa akin sa twina

Naging inspirasyon, lakas at pagtitika

Lumipas na ang mga araw ng pagiisip

At ngayon ay magtatapos na sa apat na taong pagugol

Sa pangarap na patuloy na inaabot

Bukas makalawa mawawala na rin

At bubuo ng bagong yugto kung saan ay wala ka

Dahil lilipas rin ang mga araw ng pagiisip

At maglaon ay hindi na ikaw ang tatakbo sa isipang ito.

Untitled, 001

“Kailan ang kasalan?”

“hmm, pinagiisipan pa naming dalawa ni Paul. Pero, I think, it’ll be soon, knowing how great Paul at planning and decision making.” Sabay ngiti ko kay Ella.

 

Oo.

Ikakasal na ako sa wakas. Hindi ko akalaing darating ako sa puntong makakapagsuot na rin ako ng isang wedding gown at ikakasal sa taong mahal ko. Akala ko kasi hindi ko na siya matatagpuan.

Worth the wait ika nga.

 

Si Ella ang siyang una kong sinasabihan ng lahat na tungkol sa akin. Sa una kong break up, sa una kong boyfriend, pag may away sa family, noong na-promote ako, noong namura ako ng employer ko, noong namatay ang alaga kong aso.

Siya rin ang kainuman ko sa lahat ng bagay lalo na pag may ayaan, yung light lang. Ganoon rin naman siya sa akin. Kumbaga exchange information kami. You may say, we’re best of friends. She’s one of my bestfriends, there’s Grace but we seldom see each other due to work and other circumstances.

“He’s really a good guy, ano? Buti naman at sa wakas, nakahanap ka na ng forever mo.” She laughed at the end.

“Sana nga forever na.”

 

Mabilis kumalat ang balita.

Matapos ang kwentuhan naming ni Ella, nalaman na rin ng mga officemates ko dahil sa engagement ring na suot ko. Well, masyado kasing pansinin, dahil—maganda.

Some congratulated me real quick. Nagsabi pang mag ninong, ninang sa magiging anak namin, some joked giving already the names of my future children. Some offered a quick help for the wedding kasi may mga connections sila na which is good. They’re very positive and looking forward to our union.

 

Nakwento ko nga ito kay Paul at ang saya niya. Ang saya ko rin.

Actually, we’re not officemates, we work in a different industries, sort of different.

“Am I not the lucky guy here?” He pinched my cheeks.

“I love you.”

“I love you, more.” Then he kissed my forehead, then my nose, and then to my lips.

 

Mabilis ngang kumalat ang balita.

After the congratulatory scenes, some of them, of course, congratulate me sa social media. Doble-dobleng congratulatory banner. Syempre, they also posted yung pa-party nila sa akin, small party lang naman na high-lighted yung engagement ring ko.

Some asked kung magkano raw ba yon, nagcomment na ang ganda-ganda raw, some congratulated me through comments.

 

Of course.

 

Mabilis talagang kumalat ang balita.

 

 

“Congrats *insert smiley face emoticon*”

 

Of all the notifications I received, both private message and not, this one got me.

 

“Kailan kasal?”

“hmm, pinagpaplanuhan na, I think, isasabay sa birthday ko. Birthday gift raw sa akin ni Paul.”

“Good. Good. Invited ba ako jan?”

“Of course! Ano ka ba?”

“Hahahaha. Joke lang. Kita nalang tayo pa may invitation na ako, ha?”

 

Then he went offline.

 

Mabilis kumalat ang balita.

Iyan na lamang ang nasabi ko sa sarili ko. Hindi naman sa ayaw kong ipamalitang ikakasal na ako, pero, hindi ko lang maisip kung ano kayang mararamdaman ng ibang nakakabasa?
“Ang cute natin dito sa pre-nup photos. Which one would you like to put in the invitation letter?” Paul asked me as he browses through the pictures on the laptop.

“kung pwede lang lahat ng iyan. But I think, I love this shot.” Tinuro ko iyong picture kung saan para sakin ibang iba yung tinginan naming dalawa ni Paul, parang may magic na nakapalibot sa amin.

“We’re both thinking the same.”

 

Yes. Dumaan ang mga araw at nakapagshoot na kami ng pre-nuptial photos. Nag prepare for the wedding at sa kung saan saan kami dinala and we ended up having lots of dates.

Nagawa na nga rin ang invitation letters. Syempre, personal kong inabot sa mga kaibigan at mga kakilala namin.

 

“ikaw na talaga, friend.” Sabi ni Ella habang tinitignan niya ang invitation.

“malapit na rin kami, akala mo ikaw lang, huh.” Pagmamayabang ni Lance.

“ganon? Ano ito sunod sa uso lang?” tanong ko.

 

Itong si Lance, mula noong nakilala ko ay natuwa na ako sa kanya. Kaya nga lang, kakaiba kung magmahal. Kung noong first heartbreak ko ay sobra akong napahagulgol, ibahin mo si Lance. Siya yung tipong sineseryoso ang lahat, tipong yung first heartbreak niya, biruin mo, inabutan namin sa kalsada.

Pero bilib ako sa lalaking yan. Sipag at tiyaga ang puhunan, pati sa pag-ibig.

 

“bakit? Kayo na ba noong nililigawan mo?” usyoso naman ni Ella. “pang ilang ligaw mo na ba iyan? O baka naman naligaw ka na, huh?”

“hahaha. Hindi naman. Wag kayong mag-alala, sure na ito.” Sabay ngiti niya sa amin. Iyong ngiting kay tagal ko ng hindi nakikita.

“Eh, by the way, personally mo bang ibibigay ang mga invitations? You want us to help para sa iba nating friends?” suggest ni Ella.

“oo nga. I know it’s hard on your part—I mean, busy ka ata.”

“no, no. I can handle it.” Sagot ko.

“really? So you mean—” tinignan ako ni Ella sa mata na wari mo may gusto pang ibang sabihin.

“you’ll hand this invitation to him personally? That’s nice of you.” Si Lance na yung nagtuloy ng sinasabi ni Ella.

“Thanks.”

 

Kasabay ng mabilis na pagkalat ng balita ay ang mabilis na paglipas ng panahon.

Last minute preparation nalang ang natitira bago ang kasalan at hindi na ko makapag-antay pa at alam kong ganoon rin si Paul. Malimit ko na lang rin siyang makita dahil may urgent project silang kailangang tapusin bago ang kasalan. Hindi naman hassle dahil maraming tumutulong sa amin.

 

“okay lang yan, atleast mamimiss mo ako ng sobra sobra sa linggo.” I chuckled.

 

Iyana ng sinabi niya sa akin noong huli niyang tawag sa akin.

Hindi ko pa rin naibibigay lahat ng invitation letter dahil sa twing makikipagkita ako sa kanila ay wala sila sa area o kaya’y busy. Mahirap na talagang hagilapan ang mga tao sa ganitong panahon.

 

 

“Hello.”

“Hello.”

 

Ano nga bang pakiramdam ng magkita muli kayo ng taong kaytagal mo ng hindi nakikita? Amusement? Shock? In love? Hindi siguro.

 

“Ang hirap hagilapin ng sched mo, ah.” Una niyang tanong pagkaupo ko.

“Oo eh, isang linggo nalang kasi.”

“Isang linggo na nga lang.”

“kamusta?” Nasabi ko rin.

“kamusta? Heto okay lang. Enjoy.”

“Sa tingin ko nga. Dami ko nababalitaan sa iyo, eh.”

“talaga? Hahaha. Masyado ba kong madaldal sa—”

“Oo.” Pabiro kong sabi. “Ikaw na talaga ang magaling. Congrats.”

“congrats din—ikakasal ka na.” napatingin ako sa kanya. “Dapat ikaw ang manlibre eh.”

“Sa linggo na. Heto pala yung invitation, oh. Bawal malate ha.”

“Ikaw nga itong laging late.” Sabi niya habang tinitignan ang invitation letter.

 

Paano mo malalaman kung ano ang nararamdaman ng isang tao habang tinitignan niya ang bahagi ng iyong buhay?

Hindi ko alam.

Gusto kong malaman.

 

Tinignan ko siya habang sinusuri niya ang invitation letter. Inaantay ang sasabihin niya. Inaantay kung ano ang gagawin niya.

Pero tiniklop niya lang ito, inipit sa maliit na notebook at ipinasok na sa loob ng kanyang bag.

 

“Sige, titignan ko kung makakapunta ako, ha.”

“bakit naman hindi ka sure?”

“Baka kasi may project kami niyan. I don’t know. Let’s see. Hahahahaha.”

“Linggong linggo, may project.” Napahigop nalang ako sa iniinom ko.

 

Mabilis.

Sa paglipas ng panahon, hindi natin alam kung sino o ano yung dumadating sa buhay natin. Minsan nakakalimutan natin kung anong nangyari kahapon. Minsan, hindi natin alam kung dedepende tayo sa kasalukuyan. Madalas tayong tumingin sa malayo, tanawin ang hinaharap.

 

“Naalala mo ba dati, tayo tayo nalang yung nahuhuli sa klase. Andami nating ginagawa. Pero chill parin tayo.”

“Naalala mo yung mukha kang ewan kasi kung ano ano na pinagsasabi mo, eh wala namang nakakaintindi sa iyo.”

“Naalala mo yung ang lakas mo gumawa ng eksena, nakakahiya ka.”

“Oo, nakakahiya. Kalimutan na natin yon.”

“Eh, yung panahon na—may gusto ka sa akin?”

 

Sa tagal ng panahon, limitado na lang ang mga taong matatandaan mo. Sa haba ng panahon, iilan nalang ang maaalala mo. May masaya, may malungkot. May masasakit na ala-ala. May mga bagay na pilit mong kinakalimutan pero hindi mo magawa.

 

Napainom akong muli.

 

“hahaha. Oo. Ayoko ng maalala. Nakakahiya.”

“Kamusta naman si Paul—I mean, as a partner?”

“Paano ko ba sasagutin ang tanong mo? Hahaha. Syempre, sobrang saya. Buti nga’t dumating siya.”

“Naalala mo ba yung araw na nasira iyong favorite mong ponseras kasi nasabit sa pintuang sira?”

“huh? Wait, di ko maalala.”

“Yung tinawagan mo pa ang papa mo kasi bigay niya sa iyo iyon. Iyak ka ng iyak.”

“Ah.” Bigla kong naalala. “Nakakahiya kasi ikaw lang yung nandon tapos nakita mo pa kung paano ako umiyak. Ang pangit. Hahaha.”

 

Kung babalik ka sa nakaraan, ano iyong babalikan mo? Maari ba nating i-reset iyon? Mahirap. Minsan hindi natin alam kung ano yung mga bagay na dapat kalimutan at hindi dapat.

O, bakit kailangan pang ipapaalala sa iyo ang nakaraan gayong handa ka ng harapin ang kinabukasan mo.

 

Bago ako sumakay ng taxi pauwi ay nagpaalam siya sa akin.

 

“Sa linggo, ha.”

“Sige, asahan mo.” Nagkatinginan nalang kami ng matagal. Hindi namalayang naglapit na pala kaming dalawa at umakap sa isa’t isa.

“Thank you.” Sabi ko.

“Congrats.”

“Punta ka.”

“Thank you ha.”

 

Hindi ko alam kung bakit pero lahat ng kahapong nagdaan, bumalik ng mabilisan. “Kasi nagmahal ka kahit hindi naibalik. Nagmahal ka ng totoo.”

 

“Nakita mo ako.”

 

Iyon ang ikatlo at huling yakap na natanggap ko sa kanya. Una, noong 16th birthday niya. Ikawala noong first heartbreak ko (I mean, major heartbreak sa first boyfriend ko).

Mabilis.

Kay bilis lumipas ng panahon.

Gaya ng balita, at mga pinagdaanan sa kahapon.

 

 

 

“You may kiss the bride.”

 

At narito na nga ang balita.

Masigabong palakpakan, kantyawan, mga nagsisiliparang kalapati, at may mga ngilan-ngilang umiyak. Ngayong linggo ay ikinasal ako kay Paul.

Maraming nagcongratulate. Mga naghatid ng kanya-kanyang messages. Sobrang naging masaya ang araw na ito hindi lang para sa akin, kung hindi para sa kanya rin.

 

Pero hindi siya dumating.

 

“Andaming nagregalo sa atin, Paul.”

 

Ilang minuto pagkatapos ng reception sa hotel ay umuwi na kami sa aming bahay. Nakasalampak ako sa sahig at isa isang binubuksan ang mga regalo habang si Paul ay nagliligpit ng gamit.

 

“May mga kitchenwares, sabon, kumot—at mga damit ng baby!”

“Mas excited pa sila sa atin, ah.” Napatawa talaga ako.

 

Pero sa gitna ng aking pagtawa, napahinto ako bigla.

 

“Bakit?”

“ah—wala naman.” Napatigil kasi ako sa pagtawa kaya napatanong siya sa akin.

“Punta lang akong kusina.”

“Sige.”

 

Ano nga bang inaasahan ko?

Hindi man siya dumating pero may ibang dumating para sa kanya.

 

Of all the gifts wrapped here, this one got me.

 

Bakit? Bakit may mga bagay tayong hindi inaasahan? O, bakit may mga bagay tayong inaasahan pero hindi dumadating.

Sa isang maliit na box ay isang maliit na notebook. Iyong notebook na walang linya. Iyong notebook na pang doodle. Iyong notebook na parang nakita ko na. Iyong notebook na parang kaytagal ay sa akin napunta.

Iyong notebook na itinago ko pasikreto.

Isang papel na nakatiklop. May kalumaan. Madumi dahil sa mga pencil marks. Kaytagal na niya.

Isang bahagi ng mukha ko. May mga matang hindi tapos, labing nakaguhit lamang. Ilong na basic shaes pa ang nakaguhit.

Hindi tapos.

Hindi natapos. Walang pirma pero may tanda.

 

Ah. Bakit napakasarili ko?

Sa tagal ng panahon, naalala ko pa ba? Wala akong matandaang dumapo ako sa isip niya. Sa mga lapis na nakakalat sa lamesa.

Sa isang papel, may nakasulat.

Yung sagot sa tanong mo? Sa haba ng panahon, ngayon lang nasagot.

At muling madadagdagan ng tanong.

 

Tandang tanda ko.

Noong kausapin ako ni Lance tungkol sa lovelife niyang sawi. Tanda tanda ko kung paano niya ikumpara ang sa akin at sa kanya.

 

“Hindi ba kaya niya ginawa sa akin yon kasi may naramdaman rin siya sa akin?”

“siguro.” Sagot ko sa tanong niyang magulo.

“Oo. Kahit paano, may isang mutual understanding na nangyari. Alam ko yon. Naging ganoon rin naman kayo diba?”

 

I was left hanging. Bakit hindi ko ma-comprehend ang sinabi niya. Bakit alam niya. Bakit hindi ko alam. Bakit may mga katanungang hindi ko masagot?

 

Hindi ko alam kung para saan ang pag-iyak ko ngayon.

Sa isang papel na may hindi natapos na larawan, isang sagot sa milyong tanong ang nabigyan ng conclusion.

 

Nakaramdam ako ng pagyakap mula sa likod. Hinawi ko papalayo ang box na iyon at saka ko pinunasan ang luha ko.

 

“Kung ano man yang nararamdaman mo ay nararamdaman ko rin. I’m your husband and you are my wife now. Kung ano mang nagyari kahapon ay tapos na. May mga bagay na sadyang bumabalik sa mga gantong panahon pero tandaan mo na—ikaw lang at ako, kahit anong mangyari, tatanggapin kita ng buong buo.”

 

I faced him then hugged him tightly. Gumaan ang pakiramdam ko. Ibang iba talaga pag kilala mo na kung kanino mo paglalaanan ang pagmamahal mo.

 

Tama.

Nasagot na nga ang mga tanong ko. Wala ng magulo sa isipan ko. Tama.

 

Siya ang sumagot sa lahat ng katanungan ko.

Nakakapagod Rin Pala

Nakakapagod rin pala.

Ang nakakabinging katahimikan.

Sa tuwing nagkakaroon ng hindi pagkakaunawaan.

Hindi magiimikan.

Hindi magkatinginan.

Ipinapasa ang dapat sa iyo’y siyang sinasabi na.

Nabubuhol ang mga salitang hindi maibulong.

Yumuyuko; tumitingin sa ibang direksyon.

Nakakapagod rin pala.

Iyong maghintay sa hindi naman darating na.

Sa palaging pagtanong kung ‘nasaan ka na?’

O kung bakit ‘wala ka pa?’

At sa puntong susuko ka na;

Kakaantay sa mga pangakong walang natupad ni isa.

Sa pagantay masambit ang salitang ‘sorry’.

At sa mga bagay na hindi na mangyayari pa.

Nakakapagod rin pala.

Ang magmahal ng paulit-ulit.

Na hanggang ngayon ay siyang ipinipilit.

Umiibig ng tahimik.

Umiibig ng mata’y nakapikit.

Umiibig ng walang hinihinging kapalit.

Umiibig ng hindi sinasadya.

Ngunit sa huli’y masasaktan ng pag-aakala.

Nakakapagod rin pala.

Ang mga bagay na sa imahinasyon lamang masaya.

Na akala’y makakapagantay pa.

Sa huli ay masasambit na mahal kita.

Ngunit hindi kayang ikaw ay makasama.

Pipikit at pagkaraan ng ilang segundo’y pipikit muli.

Ititikom ang bibig.

Ititikom nalang hanggang huli.

Gusto Ko Lamang Magsulat

Gusto ko lamang magsulat.

Hanggang ang mga daliri ko ay sumakit,

At manlabo ang mga mata ko sa puyat

Na hawak ang pluma’t papel sa pagpikit.

Gusto ko lamang magsulat.

Umupo sa isang sulok at mangarap.

Sumulat hanggang sa ako’y maubusan

Nang mga salitang hindi na mahanap.

Gusto ko lamang magsulat.

Gumunita ng masayang alaala.

O, alalahanin muli ang mga sakit

At lahat ng mga ito’y manunumbalik.

Gusto ko lamang magsulat.

Na mayroong simula, gitna at wakas.

Mga kwentong may kabuluhan; mapangahas

At anurin ng mga ideyang kakaiba.

Gusto ko lamang magsulat.

At mabigyang buhay ang bawat titik.

Magalit, sumigaw, magwala ng sakit.

Maging masaya, sumubok; lumigaya.

Matatanong mo nalang ang sarili mo kung bakit ka nasugatan, alam mo namang may tinik iyong halaman ngunit iyo paring hinawakan. Kaya naman hindi na dapat pa itong dinidiligan. Hindi na dapat ito pinayayabong. Sapat na ang ulan na lamang ang kusang babasa sa kanya. Malalanta rin naman ito kalaunan. Mawawala rin ito katagalan. Maghihilom ang nasugatan.

Titignan Kita

Titignan kita.

At aking huhulihin ang iyong mga mata.

Na para bang mapapako ang tingin,

At unti-unting mahuhulog sa akin.

 

Titignan kita.

Ngunit ikaw’y iiwas din.

Na parang ayaw mapukaw ang tingin,

At hindi malaman ang gagawin.

 

Titignan kita.

Ngingiti na bahagya lang ang makikita.

Titingala at mapapamulsa.

Saka naman’y magpapahuli sa akin, sinta.

Ang Pakpak na Iyong Binali

May mali. May tama. Hindi maaaring gatungan ng mali ang mali. At mas lalong hindi rin maaaring gatungan ng mali ang isang napakamalaking pagkakamali. Kumbaga sa simple math equation, when a number with negative sign is added to another number with negative sign it will result with a negative number. Hindi naman kasi maitatama ng maling pag-iisip ang isa pang maling pag-iisip.

 

Minsan darating ka sa isang punto kung saan mari-realize mo na naiipit ka sa isang sitwasyong hindi mo alam kung tama o mali. Kasi ang alam mo, nasa tama ka. Alam mong wala namang mali sa ginagawa mo. Ano bang mali sa paghinto upang makarinig ka ng ibang kwento? Gusto mong kumawala pero iniipit ang iyong mga pakpak ng mga bagay na humihila sa iyo pababa.

 

Nagkamali ka. Oo, nagkakamali tayo. Nagkakamali ako. Pero hindi ko inisip na may mali sa ginawa kong pagtulong sa isang osong iniwan ang kalupaan at tuluyang lumangoy sa kailaliman ng karagatan (referring to an article, ‘Ang Uwak at Ang Oso’).

 

Ah. Hindi ko alam na sa bawat kilos mo, mayroong mga ibong sisipol at aawit. Kung ang lahat ng mga bagay na ating napapansin at naiisip ay binibigyan natin ng kahulugan, marahil siguro ay makakabuo na tayo ng isang diksyunaryong may katawagang “The Last Judgement”.

 

Minsan o madalas, ang ‘akala’ masakit. Hindi dahil nag ‘assume’ ka o nag ‘expect’ kang iba ang pananaw niya sa iba. O iba ang tingin mo sa kanya. Sadyang pinakitaan ka niya ng rason para baliin iyong ‘akala’ na iniisip mo.

 

Akala ko kasi wala ka namang pakialam sa iniisip ng iba. Ganoon ang naging paninindigan ko. Bakit mo iisipin ang mga bulong na alam mong mali. Alam mo sa sarili mo kung ano ang tama at mali.

 

Nasaktan ka. Lumayo ka. Pinakinggan ang bawat pagmamaktol mo na sumusugat dyan sa puso mo. Yung bang nagtiwala ka ng buo pero babaliin lang rin pala ng mga taong nilapitan mo. Narinig mo ang mga masasakit nilang kwento tungkol sa iyo. At aaminin kong hinatulan rin kita kahit wala kang kaso.

 

Naniwala ang kalangitan sa iyo. Pinakinggan ka at nabago ang perspektibo nito. At oo, hindi isang mali ang makinig sa kwentong dapat pakinggan. Tinimbang ang buwan at ang araw. Pikit-matang inaalala na huwag kang masaktan. Pitik-bulag na iniisip ang bawat salitang binibitawan sa iyo ay pinaparatang. Tinitimbang maigi kung ano o sino ang may mali o tama o pareho lang ba kayong nagkamali.

 

Hindi. Ang ‘akala’ ay isang pagkakamali. Hindi ka rin naiba doon sa mga ibong nagsisipag-awit ng mga lirikong binulag ng mga maling pag-iisip. Ginawa mo rin kung ano ang ginawa nila. Inulit mo lang kung anong ginawa nila sa iyo. Ngayong binigyan ka ng pagkakataon para mabago ang isang pagkakamali ay gagatungan mo ng isa panng pagkakamali. Ikaw ang osong nalunod sa isang palaisdaan. Humuni ka ng gaya ng mga ibon upang hindi ka mahuli ng mangingisda. Ginaya mo sila kahit alam mong sa sarili mong isa kang oso.

 

Ah. Nakuha mo na ba ng gusto mo, munting oso? Nahirapan ka bang sisirin ang kailaliman ng dagat kaya umahon kang muli? Sabik ka na ba muling makita ang kaulapan? Sabik ka na bang makakita ng mga bagay sa kalupaan? Nakarating ka ba? Nakabalik ka na ba?

 

Hindi. Nagkamali nga ba ako? Lulubog na ang barko at nag-iisa lang ako sa kabilang dulo. Hindi tayo naghahakot ng mga bituin at nagbibilangan kung ilan ang naibigay sa isa’t isa. Hindi. Walang gustong magbilangan ng kung gaano na kalaki ang naitulong sa isa’t isa. Hindi tayo nagsususkatan ng mga bagay na nabibilang. Hindi tayo nagpaparti-partihan ng mga trabaho at nagtuturuan kung sino ang may gawa.

 

Ah. Kung minsan nga naman ang tao pagka nakuha na ang gusto ay nakakalimot na. Tila ba hindi mo na iisipin kung sino ang nagbigay sa iyo ng hagdan para makarating ka sa lugar na iyong kinatutungtungan.

 

Naisip mo ba kung gaano kahirap bumuo ng tulay na gawa sa sakit at paghihirap? Naisip ba natin na sa bawat hakbang natin, isang matibay na hagdan ang ating tinutungtungan para mahawakan mo ang kalangitan?

 

Hindi. Ang pagtatampo’y sa una, makalawa ay mawawala. Maglaon ay makakalimot. Masasanay.

 

Hindi ako nagtatampo. Hindi ako magtatampo. Walang rason upang ako ay magtampo.

 

Inis ang nararamdaman ko. Inis na hindi sa iyo kung hindi sa sarili ko. Minsan kasi, imbis na sisihin natin ang tunay na may sala, ang sarili natin ang ating ituturo sa pagkakamali na hindi naman dapat. Maiinis ka nalang dahil bakit kailangan magpaagos tayo na imbis tumayo ng may tindig at pagkatuto.

 

Mas masakit pa ang ginawa mo kaysa sa taong binigyang pansin ko ng dalawang taon. Ah. Ganoon pala ang pakiramdam ng maitaboy nang dahil lang sa mga baluktot na pag-iisip. 

 

Akala ko iyong ipinaramdam ko roon sa taong dalawang taong kong pinahalagahan, iyong pagpapahalaga at pagiintindi ng sobra sa kabila ng hindi pagkakaunawaan, akala ko ay maibibgay ko sa iyo ng buong buo.

 

‘Akala’ ko lang pala. Nagkamali lang pala ako. Binali mo ang tiwalang pinagtibay ko sa maikling panahon. Binigo mo ang isang ibong ni hindi umawit o sumipol ng liriko ng paghahatol.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Na ngayo’y gusto kong sundan ka, lumipad kasama mo kahit na sa kabila ng mga ibong umaawit at humahatol ay hindi ko na magagawa dahil ikaw mismo ang bumali sa mga pakpak kong wagas ang paglipad.

Ang Uwak at Ang Oso

 

May isang oso ang nagbalik muli sa tubig at binagtas ang karagatan. Natuto siyang lumangoy na para bang isda. Natuto siyang makiayon sa kakayahan niyang sisirin ang kailaliman ng dagat. Nakita niya ang sariling katapangang humarap sa mga isdang lumalangoy ng malaya.

Sa kanyang pagkatutong lumangoy, sisirin ang katubigan, kinalimutan na niya kung paano siya natutong lumakad na gamit ang mga paa. Kinalimutan kung anong silbi ng mga kamay na noo’y hawak ang mga taong inakala niyang binigyan siyang buhay. Tinalikuran niya ang kalupaan. Tinalikuran niya ang mundong minahal niya ng lubos. Iyong mundong tinuring niyang tahanan at kanlungan. iyong mundong pinagkatiwalaan niya at akala’y hindi siya tatalikuran.

Ngunit sa kabila ng pagmamahal niya ay itinulak siya papalayo ng mga tao. Inilubog siya sa mga kahihiyan. Ginawaran ng mga hindi dapat. Iyong mundong akala’y hindi niya tatalikuran, ngunit huli na.

Sa kanyang pagkatuto, kinalimutan niya ang tumayo gamit ang mga paa bagkus sumisid sa kailaliman ng dagat. Hindi niya na muling makuhang magtiwala pa. Sa pagkatuto niya ay may bagay rin siyang nilimot.

 

May isang uwak ang natutong hindi matakot sa isang scarecrow. Matagal bago niya naisip kung bakit laging ginagawa itong panakot sa kanila. Matagal bago niya naisip na pinagmumukha lang silang tanga ng isang bagay na gawa sa mga dayami na may damit ng tao at sombrero ngunit hindi naman gumagalaw.

Sa tinagal niya sa paglipad, nagtiwala siyang makakakuha siya ng mga palay na ninananis niya. Ngunit mabubugaw lang pala siya ng isang pagkukunwari. Ilang taon ang lumipas. Ilang dayaming tao ang inakala niyang hindi masisira ang kanyang mga pakpak.

Natuto siyang huwag matakot. Natutunan niyang hindi naman iyon gumagalaw. Matalino ang uwak. Ginamit niya ang utak para makalikom ng mga palay upang siya’y mabuhay. Hindi na siya natakot bagkus pinaniwala ang sariling hindi ito masasaktan.

 

Sa pagkatuto ng Osong lumangoy at huwag nang bumalik sa kalupaan, at sa pagkatuto ng uwak gamit ang kanyang pagiisip ay may nilimot silang isang bagay. Hindi na nila mgawang magtiwala pa. Hindi na nila kinaya pang mahalin ang nakagawian at natuto silang isipin ang mas dapat isipin.

Nasira sila. Nabuo muli. Natuto at lumimot. Ngunit nagbago ng husto.

 

Anong ginawa ng pag-ibig sa inyo at humantong kayo sa ganitong sitwasyon?

 

 

MULI

MULI.

 

Ika’y bumalik, naramdaman muli ang yakap mo’t halik.

Sa bisig mo, ako’y nakatanim

Muli na naman kitang mamahalin.

 

Sa bawat oras na lumipas, Buwan o taon man ang kumupas

Ni hinding hindi ko nilimot sinta, yaong kislap sa iyong mga mata

Na sa tuwing magkasama, sa akin lang nakatama.

 

Saglit lang ng ako’y iyong nagawang paibigin.

O, saglit lang rin ng nagawa mo akong limutin.

Ng hindi man lang sa akin nagsabi kung bakit ako’y nagawang paalisin.

 

Kay tagal kitang hinintay.

At ngayo’y walang pasabing ika’y nagbalik sa akin.

Muli na naman kitang iibigin.

 

Muli, napaikot ang aking mundo

At siyang sa iyo lamang ito.

Muling haplusin ang pag-ibig mong pangako.